Mula ng mamatay ang asawa niya sa isang aksidente, tuwing Huwebes ay nagkikita kami. Minsan may mga tanong siyang wala namang kasagutan; minsan gusto lang niyang alalahanin ang nakaraan. Sa paglipas ng panahon, natanggap niyang kahit resulta ng pagkasira ng mundo ang aksidenteng iyon, kaya ng Dios na gumawa sa gitna noon. Ilang taon pagkatapos, nagturo siya sa simbahan namin tungkol sa pagdadalamhati at kung paano magluksa nang maayos. Di nagtagal, siya na ang parating pinupuntahan ng mga taong nawalan.
Minsan, kung kelan pakiramdam natin ay wala tayong maibibigay, doon kinukuha ng Dios ang “di sapat” natin at ginagawang “higit pa sa sapat.”
Sinabi ni Jesus sa disipulo Niya na bigyan ang mga tao ng makakain. Noong sinabi nilang wala silang maibibigay, pinadami ni Jesus ang kakaunting tinapay at ibinalik iyon sa mga disipulo, na para bang idiniin niya, “Bigyan ninyo sila ng makakain.” (LUCAS 9:13-16). Gagawa si Kristo ng himala, pero madalas pinipili Niyang isali tayo roon.
Sinasabi ni Jesus sa atin, “Ilagay mo sa kamay Ko kung sino ka at kung ano ang mayroon ka. Ang sira mong buhay. Iyang kuwento mo. Ang kahinaan mo at kabiguan mo. Ilagay mo sa mga kamay Ko. Magugulat ka sa magagawa ko sa mga iyan.” Alam ni Jesus na mula sa ating kahungkagan, kaya Niyang magdala ng kapunuan. Mula sa ating kahinaan, kaya Niyang ilabas ang Kanyang kalakasan.