Dalawang taon sa amin si Finn, ang alaga naming isda. Madalas itong kausapin ng aming batang anak na babae, pagkatapos pakainin ang isda sa aquarium. Ipinagmamalaki rin niya si Finn sa klase kapag alagang hayop na ang pinag-uusapan. Kaya ganoon na lang ang dalamhati niya nang namatay ito.
Payo ng nanay ko, pakinggan ko daw nang mabuti ang damdamin ng aking anak. Sabihin ko rin daw na “alam ng Dios ang lahat ng bagay.” Sang-ayon naman ako dito pero naisip ko, “Paano iyon makakabawas sa kalungkutan?” Pero hindi lang basta-basta alam ng Dios ang mga nangyayari.
Alam din Niya kung ano ang epekto nito sa atin at maawain Niyang tinitingnan ang ating kalooban. Alam Niya na ang “maliliit na bagay” ay pawang malaking bagay depende sa edad, nagdaang sugat, at kakulangan ng kakayanan.
Nakita ni Jesus ang tunay na laki ng regalo - at puso - na binigay ng biyuda nang ihulog nito ang dalawang pirasong barya sa lalagyan ng koleksyon sa templo. Sinabi ni Jesus, “mas malaki ang ibinigay ng biyudang iyon kaysa sa lahat ng nagbigay... Ibinigay niya ang lahat ng kanyang ikinabubuhay” (VV.43-44). Tahimik lang ang biyuda pero kinilala ni Jesus ang sakripisyo niya kahit pa marahil maliit lang ito sa tingin ng iba. Huwag magalala, nakikita rin ng Dios ang mga sakripisyo natin.