Labis akong kinakabahan dahil sa aking nalalapit na pagtuturo sa aming simbahan tungkol sa pananalangin. Iniisip ko kung magugustuhan ba ng mga makikinig ang mga ituturo ko. Dahil sa aking kabalisahan, masyado kong naituon ang aking atensyon sa paghahanda sa mga ituturo ko. Pero isang linggo bago ito magsimula, kakaunti lang ang nahikayat kong dumalo.
Ipinaalala naman sa akin ng Dios na isa itong gawain para sa Kanya na magsisilbing liwanag kaya hindi ko dapat masyadong isipin ang aking kaba. Dapat kong mas bigyan ng pansin na gagamitin ito ng Banal na Espiritu upang ilapit ang mga tao sa Dios.
Nang turuan ni Jesus ang Kanyang mga alagad, sinabi Niya sa kanila, “Kayo ang nagsisilbing ilaw sa mundo. At ito ay makikita nga tulad ng lungsod na itinayo sa ibabaw ng isang burol na hindi maitago. Walang taong nagsindi ng ilaw at pagkatapos ay tatakpan ng takalan. Sa halip, inilalagay ang ilaw sa patungan upang magbigay-liwanag sa lahat” (MATEO 5:14-15).
Matapos na mapagbulayan ang mga talatang iyon, naganunsiyo na ako tungkol sa pagtuturo ko. Marami ang nagpalista at nagpahayag ng kanilang pananabik. Mas nakatuon na ako sa itinuro ni Jesus, “Pagliwanagin ninyo ang inyong ilaw sa mga tao, upang makita nila ang mabubuting gawa ninyo at pupurihin nila ang inyong Amang nasa langit” (TAL. 16). Nagturo ako nang may kagalakan sa aking puso at idinalangin na ang simpleng gawain kong ito para sa Dios ay magsilbing inspirasyon sa iba na magliwanag din para sa Dios.