Labis na kagalakan ang nadama ng isang matandang lalaki na nakaupo sa kanyang wheelchair habang pinakikinggan ang grupo ng mga kabataang Amerikano na umaawit tungkol kay Jesus. Kalaunan, napagtanto ng ilang kabataang lumapit sa matanda na hindi pala ito nakakapagsalita dahil na-istroke ito noon.

Nagpasya ang mga kabataang iyon na muling umawit alangalang sa matanda dahil hindi nila ito makakausap. Kamanghamangha ang sumunod na nangyari. Nagsimulang umawit ang matanda! Taos-puso niyang inawit ang “Dakila Ka” kasama ng mga bago niyang kaibigan.

Tunay na ‘di malilimutan ang pangyayaring iyon para sa lahat. Ang pagmamahal ng lalaki sa Dios ang gumiba sa balakid na mayroon siya at nagbigay sa kanya ng kakayahang umawit. At buong kagalakan nga siyang sumamba sa Dios.

May mga pagkakataon na may nagiging balakid din sa ating pagpupuri sa Dios. Maaaring kabilang sa mga ito ay problema sa ating relasyon sa ibang tao o problema sa pera. Maaari din na nanlalamig ang ating pag-ibig sa Dios.

Napatunayan sa pamamagitan ng matandang lalaking ito na walang anumang balakid ang hindi kayang gibain ng ating makapangyarihang Dios. Patuloy natin itong maaawit, “Panginoon kung aking mapagmasdan, sansinukob na Iyong nilalang.”

Nahihirapan ka ba sa iyong pagsamba sa Dios? Alalahanin mo ang Kanyang kadakilaan sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga talata sa Biblia tulad ng Salmo 96. Gaya ng matanda, mapapalitan ng pagpupuri ang anumang balakid na humahadlang sa iyo.