Sa loob ng 12 taon, araw-araw na dinalaw ng ibong si Chirpy ang taong tumulong sa nabali niyang paa. Sinuyo ni John si Chirpy ng biskwit pang-aso at kalaunan ay napagaling niya ito. Kahit Marso hanggang Setyembre lang nasa Instow Beach sa Devon, England si Chirpy, madali lang nahahanap nila ni John Sumner ang isa’t isa. Diretsong lumilipad si Chirpy kay John pagdating nito sa baybayin arawaraw kahit wala na itong nilalapitang iba. Siguradong kakaiba ang pagkakaibigang ito!
Naalala ko ang isa pang hindi pangkaraniwan na pagkakaibigan ng ibon at tao. Noong panahon ng taggutom, ipinadala ng Dios ang isa sa Kanyang mga propeta na si Elias upang “magtago…sa daluyan ng tubig Kerit.” Sinabi ng Dios na uminom siya sa ilog at magpapadala siya ng mga uwak bitbit ang kanyang pagkain (1 MGA HARI 17:3-4).
Sa kabila ng mahirap na kinalalagyan ay naibigay pa rin ang pagkain at inumin na kailangan ni Elijah. Kakaibang tagapagbigay ng pagkain ang mga uwak dahil sila mismo ay kumakain ng mga hindi kaaya-ayang bagay. Ngunit nagdala sila ng masustansiyang pagkain kay Elijah.
Hindi kapanipanibago kung ang tao ang siyang tumutulong sa ibon. Ngunit kung ibon ang siyang nagbibigay ng “tinapay at karne tuwing umaga at gabi,” ito ay dahil lamang sa kapangyarihan at pangangalaga ng Dios (B. 6). Gaya ni Elijah, maaari din tayong magtiwala na ibibigay ng Dios ang ating pangangailangan.