Sayang ang oras. Ito ang naisip ni Harley nang yayain siya ng ahente ng insurance na muli silang magkita. Alam ni Harley na magiging nakakainip na naman ang kanilang pag-uusap. Pero pinili pa rin ni Harley na magpunta dahil naisip niya na maaring maging pagkakataon ito para ibahagi ang kanyang pananampalataya.
Habang nag-uusap sila tungkol sa mga pinansyal na bagay, napansin ni Harley na naka-tatoo ang mga kilay ng ahente. Nagaalangan man ay tinanong niya kung bakit ito nagpatatoo sa kilay. Sumagot naman ang ahente na naniniwala siya na magdadala ito ng swerte sa kanya. Naging pagkakataon ang pagiiba ni Harley sa kanilang usapan para mapag-usapan nila ang tungkol sa kanyang pananampalataya at kung bakit kay Jesus siya nagtitiwala at hindi sa swerte. Hindi nasayang ang oras na iyon dahil ginamit iyon ng Panginoon upang maibahagi niya ang tungkol sa Dios.
Tila ganoon din ang ginawa ni Jesus noon. Nang naglalakbay Siya mula sa Judea patungong Galilea, kinausap Niya ang isang babaeng Samaritana. Hindi nakikihalubilo ang mga Judio sa mga Samaritano pero kinausap pa rin siya ni Jesus at kahit na isa itong babaeng nakikiapid. Ang pag-uusap nilang iyon ang nagbukas para sa kaligtasan ng marami (JUAN 4:1-26, 39-42).
Pinaaalalahanan tayo ng Biblia na palaging maging handa “sa pangangaral ng Salita ng Dios sa anumang panahon” (2 TIMOTEO 4:2). Maaaring gamitin ng Dios ang anumang pagkakataon para maipahayag ang ating pananampalataya.