Dalidaling binuksan ng bata ang malaking kahon mula sa tatay niyang sundalo. Akala niya kasing hindi ito makakauwi para sa kaarawan niya. Pero sa loob ng kahon ay may isa pang nakabalot na kahon at sa loob ng kahong ito ay isang papel na nagsasabing, “Bulaga!” Tumingala ang bata kasi naguluhan siya sabay pumasok ang tatay niya. Mangiyakngiyak na niyakap ng bata ang kanyang tatay habang sumisigaw, “Daddy, hinahanaphanap ko kayo!” at “Mahal ko po kayo!”
Para sa akin, kuhang kuha ng muling pagsasamang ito ang dakilang pagkikita ng mga anak ng Dios at ng mapagmahal na Ama. Ito ang inilarawan sa Pahayag 21, kung saan ang lahat ng nilikha ay napanibago at naisaayos. Doon, “Papahirin niya ang mga luha sa kanilang mga mata.” Hindi na tayo makakaranas ng sakit o lungkot dahil kasama na natin ang Amang nasa langit. Sabi nga ng “malakas na boses” sa Pahayag 21, “Ngayon, ang tahanan ng Dios ay nasa piling na ng mga tao! Mananahan na siyang kasama nila. Sila’y magiging mga mamamayan niya” (b.3).
May natatamasa na ang mga sumusunod kay Kristo na malambing na pagmamahal at ligaya, ayon sa 1 Pedro 1:8: “Kahit hindi n’yo siya nakita ay mahal n’yo siya, at kahit hindi n’yo pa siya nakikita hanggang ngayon, sumasampalataya pa rin kayo sa kanya.
At nag-uumapaw ang inyong kagalakan na hindi kayang ipahayag ng bibig.” Ngunit ano pa kaya ang umaapaw na ligaya kapag makikita na natin Siyang ating minamahal at hinahanaphanap na handa tayong yakapin.