Habang nasa kolehiyo pa ako, nagsibak, nagbenta, at naghatid ako ng kahoy na panggatong sa loob ng isang taon. Isa itong mahirap na trabaho kaya may habag ako sa mga kawawang tagapagsibak sa kwento ng 2 Mga Hari 6.
Naging matagumpay ang paaralan ni Eliseo para sa mga propeta at nagging masikip na ang lugar kung saan sila nagpupulong. Nagalok ang isa na pumunta sila sa kagubatan, magputol ng kahoy, at palakihin ang kanilang pinagtitipunan. Sumang-ayon si Eliseo at sinamahan ang mga tauhan. Naging maayos ang lahat hanggang sa nahulog ang ulo ng palakol ng isa sa tubig (B. 5).
Iminungkahi ng iba na kinawkaw lang ni Eliseo ang tubig gamit ang kanyang tungkod hanggang nahanap ang ulo ng palakol at kinuha ito. Kung ganoon man, hindi na ito kailangan pang bigyan ng pansin. Ngunit isa itong himala: Pinagalaw ng Dios ang ulo ng palakol at lumutang ito kaya nabawi nila ito (BB.6-7).
Nagpapakita ng isang malalim na katotohanan ang simpleng himala na ito: may pakialam ang Dios sa mga maliliit na bagay sa ating buhay—mga nawawalang palakol, nawawalang susi, nawawalang salamin, nawawalang telepono—mga maliliit na bagay na nakakabalisa. Hindi Niya palaging ibinabalik ang mga nawawala ngunit naiintindihan Niya tayo at inaaliw sa ating pagkabahala.
Napakahalaga ang kapanatagan sa pag-aalaga ng Dios, sunod sa kapanatagan sa ating kaligtasan. Kung wala tayo nito, mararamdaman nating nag-iisa tayo sa mundo at maraming inaalala. Magandang malaman na may malasakit Siya sa ating mga kawalan—kahit maliliit lang ang mga ito. Ang ating mga alalahanin ay inaalala Niya rin.