May kuwento tungkol sa magkapatid na sina Billy at Melvin. Minsan, habang nasa bukid sila ng pagawaan nila ng gatas, may nakita silang lumilipad na eroplano na gumuguhit ng letra sa ulap. Pinanuod nila ang eroplano at ang mga letra na iginuhit nito ay “GP”.
Binigyang kahulugan ng magkapatid ang mga letrang naisulat. Para sa isa ang ibig sabihin ng “GP” ay “Go Preach” o Magturo ka. Sa isa naman ay “Go Plow” o magsaka ka. Lumipas ang mga panahon at ang isa sa mga magkapatid na iyon ay ang naging kilalang tagapagturo ng Biblia na si Billy Graham. Ang kapatid naman niyang si Melvin ay masikap na nagtrabaho upang ipagpatuloy ang negosyo ng kanilang pamilya na pagawaan ng gatas.
Magkaiba man ang naging plano ng Dios para sa magkapatid na sina Billy at Melvin, niluwalhati naman nila ang pangalan ng Dios sa pinili nilang bokasyon sa buhay. Kahit na naging matagumpay na tagapagturo ng Biblia si Billy, hindi maituturing na mas mababang bokasyon o hindi mahalaga ang pagiging masipag na magsasaka ni Melvin.
May tinawag ang Dios upang maging tagapaglingkod Niya gaya ng pastor o mga misyonero (EFESO 4:11-12), pero hindi nito ibig sabihin na ang ibang hanapbuhay ay hindi mahalaga para sa Dios. Sinabi ni Pablo na bawat isa’y dapat gawin ang kanyang tungkulin (T. 16). Ibig sabihin ay nararapat nating gamitin ang ating kakayahan sa ikaluluwalhati ni Jesus sa ating mga buhay. Maaari nating paglingkuran si Jesus ano man ang ating ginagawa o hanapbuhay.