Noong gabi ng ika-3 ng Abril, 1968, nagtalumpati si Dr. Martin Luther King sa huling pagkakataon. Sinabi Niya, “Nakarating na ako sa tuktok ng Bundok.” Ipinapahiwatig niya sa kanyang talumpati na tila hindi na siya magtatagal sa mundo. Sinabi pa niya, “Hindi madali ang mga haharapin natin. Gayon pa man, hindi na ito nakakaapekto sa akin ngayon dahil natanaw ko na mula sa tuktok ng bundok ang lupang pangako. Hindi man ako makarating na kasama ninyo...masaya pa rin ako. Hindi ako nag-aalala sa ano mang bagay. Hindi ako natatakot sa kahit sino man. Nakita ko na ang kaluwalhatian ng pagdating ng Panginoon.” Kinabukasan, pinatay si Dr. King.
Sumulat naman si Apostol Pablo sa kanyang tinuturuang si Timoteo bago siya mamatay. Sinabi niya, “Ang buhay ko ay iaalay na, dahil dumating na ang panahon ng pagpanaw ko...At ngayon, may inilaan ang Dios sa akin na korona ng katuwiran. Ibibigay ito sa akin ng makatarungang Panginoon sa araw ng paghuhukom Niya” (2 TIMOTEO 4:6,8). Tulad ni Dr. King, alam din ni Pablo na nalalapit na ang kanyang pagpanaw.
Pareho man nilang pinahalagahan ang kanilang buhay at namuhay nang may kabuluhan, mas nakatuon ang kanilang paningin sa susunod na buhay. Pinananabikan nila ito at malugod na sinalubong.
Nawa’y tularan natin sila na higit na pinahalagahan ang mga bagay na hindi nakikita sa mundong ito. Dahil ang mga bagay na nakikita ay panandalian lamang at walang hanggan naman ang mga bagay na hindi nakikita (2 CORINTO 4:18).