Takot si Duncan na maging salat sa pera kaya nagsikap siya nang husto para sa kanyang kinabukasan. Nakapagtrabaho naman siya sa isang prestihiyosong kumpanya. Nakaipon siya ng maraming pera, nagkaroon ng magarang sasakyan, at nakabili ng napakamahal na bahay. Pero kahit nakamit ni Duncan ang mga minimithi niya, hindi pa rin siya nasiyahan at nakaramdam lang ng kabalisahan. Sinabi pa ni Duncan na ang pagkakaroon ng kayamanan ay hindi makapagbibigay ng kagalakan, at mga tunay na kaibigan. Madalas pa nga na nagdulot lang ito ng sakit sa kalooban.

May mga tao na ginagawa ang lahat para magkaroon ng maraming pera. Iniisip kasi nila na ito ang makapagbibigay ng seguridad sa kanilang buhay. May ilan na halos mamatay na sa kakatrabaho para lamang maging mas angat ang estado nila sa buhay kaysa sa ibang tao. Pero binibigyang-diin sa Biblia na, “Ang taong maibigin sa pera at iba pang kayamanan, kailanman ay hindi masisiyahan. Wala rin itong kabuluhan” (MANGANGARAL 5:10).

Tunay nga na walang saysay ang paghahanap ng kasiyahan mula sa anumang kayamanan. Kahit na hinihikayat tayo ng Biblia na magtrabaho nang mabuti at gamitin ang mga ipinagkaloob sa atin na kakayahan para sa ikabubuti ng mundo, kailanma’y hindi magiging sapat ang anumang makamit nating kayamanan para makapagbigay sa atin ng kasiyahan.

Tanging si Jesus lamang ang makapagkakaloob sa atin ng tunay na kasiyahan at buhay na ganap (JUAN 10:10). At posible lamang ito kung mayroon tayong tamang relasyon sa ating mapagmahal na Panginoon.