Noong 1948, dinakip si Haralan Popov na nagsisilbing pastor sa isang underground church. Labis ang pagpapahirap ang ginawa kay Haralan sa loob ng bilangguan. Pero, sa tulong ng Dios, natiis niya ang lahat ng iyon at nagawa pa niyang ipahayag si Jesus sa mga kapwa niya bilanggo. Pagkaraan ng 13 taon, nakalaya rin si Haralan at patuloy na ipinahayag ang Magandang Balita. Kalaunan, naglikom siya ng pera para makapagbigay ng mga Biblia sa mga lugar na inuusig ang mga sumasampalataya kay Cristo.
Inusig si Haralan dahil sa kanyang pananampalataya tulad ng maraming mga mananampalataya sa iba’t ibang kapanahunan. Bago pa maghirap si Jesus at mamatay sa krus at makaranas ng pag-uusig ang Kanyang mga tagasunod, sinabi Niya, “Mapalad ang mga dumaranas ng pag-uusig dahil sa pagsunod nila sa kalooban ng Dios, dahil makakasama sila sa kaharian ng Dios” (MATEO 5:10).
Sinabi pa ni Jesus, “Mapalad kayo kung dahil sa pagsunod ninyo sa Akin ay iniinsulto kayo, inuusig at pinaparatangan ng masama” (TAL. 11).
Ano kaya ang ibig sabihin ni Jesus sa “mapalad”? Tinutukoy dito ni Jesus ang kagalakan, kaaliwan at buhay na ganap na masusumpungan sa pagkakaroon ng maayos na relasyon sa Kanya (TAL. 4, 8-10). Sa pamamagitan ng lakas na mula sa Dios, napagtagumpayan ni Haralan ang mga paghihirap. Kung tayo’y namumuhay kasama ang Dios, makakaranas din tayo ng kapayapaan anuman ang nararanasan nating mahirap na sitwasyon.