Minsan, habang nagpupulot ng basura ang mga bilanggo, biglang nahimatay ang nagbabantay sa kanila. Agad silang umaksyon nang makitang nangangailangan ito ng tulong. Hiniram pa ng isang bilanggo ang telepono nito upang humingi rin ng tulong sa iba. Kalaunan, pinasalamatan ng mga sheriff ang mga bilanggo dahil sa ginawang pagtulong at hindi nila ito hinayaan na lamang. Pinasalamatan din ang mga bilanggo dahil hindi nila ginamit ang pagkakataong iyon para tumakas.
Ang ipinakitang kabutihan ng mga bilanggong ito ay tulad ng ginawa nina Pablo at Silas noong nakabilanggo sila. Hinubaran sila, hinagupit at ikinulong. At habang nasa bilangguan, lumindol nang malakas at nabuksan ang lahat ng pintuan at natanggal ang mga kadena ng lahat ng bilanggo (GAWA 16:23-26). Nang magising ang guwardiya, inisip niyang tumakas na ang lahat ng bilanggo kaya hinugot ang kanyang espada at magpapakamatay na sana. Bigla namang sumigaw si Pablo, “Huwag kang magpakamatay! Narito kaming lahat!” (TAL. 28).
Dahil sa hindi pagtakas nina Pablo, namangha ang guwardiya at ito ang nag-udyok sa kanya upang itanong sa kanila ang tungkol sa Dios na kanilang sinasamba. Sa pamamagitan nito’y sumampalataya rin ang guwardiya sa Panginoong Jesus (TAL. 29-34).
Makikita sa ating pakikitungo sa kapwa kung ano ang pinananampalatayan natin. Kapag pinili natin na gawin ang mabuti sa halip na masama, maaaring maging daan ito upang mahikayat ang mga taong kilalanin ang Dios na ating sinasampalatayanan at minamahal.