Napatunayan sa isang pag-aaral na mas mabilis gumaling ang mga pasyente na nakakarinig ng mga salitang nagbibigay ng lakas ng loob. Gumawa sila ng eksperimento kung saan naipakita na malaki talaga ang naitutulong sa mga pasyente ng mga positibong salita.
Alam din ito ng sumulat ng Kawikaan sa Biblia. Sinabi niya, “Ang matatamis na salita ay parang pulot-pukyutan, nakakapagpasaya at nakakapagpasigla ng katawan” (16:24). Pero hindi lang maganda ang epekto ng mga positibong salita sa kalusugan ng katawan, maaari din itong makapagdulot ng kasaganaan. Sinasabi sa talatang 20 na ang taong nakikinig kapag tinuturuan ay uunlad. Malaki rin ang naitutulong nito sa pagharap natin sa mga pagsubok sa buhay.
Hindi naman natin lubusang mauunawaan kung bakit ang pakikinig sa gabay at sa mga positibong salita ay nakapagbibigay sa atin ng kalakasan at kagalingan sa bawat araw ng ating buhay. Gayon pa man, lubos na nakakatulong sa pagharap sa mga dinaranas nating pagsubok ang anumang naririnig nating mga payo at magagandang salita mula sa ating mga magulang at iba pang tao. Gayon din naman, makakasumpong din tayo ng kasiglahan mula sa pagbabasa ng Biblia. Sa pamamagitan nito, malalaman natin kung paano mapagtagumpayan kahit ang mga pinakamatitinding hamon sa buhay.
Humingi tayo ng tulong sa Dios sa pagharap natin sa mga pagsubok at nawa’y matulungan din natin ang mga taong ating nakakasalamuha sa pamamagitan ng mga salitang nagdudulot ng kagalingan at pag-asa.