Itinuring ang sundalong si Desmond na isa sa pinakamakatapang na tao pero hindi siya katulad ng inaasahan ng iba. Tumanggi kasi siyang gumamit ng baril. Bilang medic, mag-isa niyang iniligtas ang 75 sugatang sundalo mula sa labanan. Habang inililigtas niya ang sugatang sundalo, paulit-ulit na dalangin ni Desmond, “Panginoon, tulungan N’yo po akong makapagligtas pa ng isa.”
May inihayag naman noon si Propeta Zacarias na mangyayari sa hinaharap na pagliligtas na gagawin ng Dios (9:9). Natupad nga iyon nang magpunta si Jesus sa Jerusalem sakay ng isang asno at sinalubong ng mga tao na may dalang palaspas at sumigaw ng “Hosana!” Pagpupuri ito sa Panginoon na ang ibig sabihin ay “Iligtas!” Isinisigaw din nila ang sinabi sa Salmo 118:26, “Pagpalain ang dumarating na ito sa pangalan ng Panginoon” (JUAN 12:13). Ngunit mababasa naman sa sumunod na talata sa Salmong iyon na nais nilang magdala handog bilang sakripisyo (TAL. 27). Para sa kanila, si Jesus ay ang hinihintay nilang hari na magliligtas sa kanila mula sa pamumuno ng Roma.
Pero higit pa roon si Jesus. Siya ang Hari ng lahat ng mga Hari at ang magsisilbing ating handog. Siya ang Dios na nagkatawang-tao na taos-pusong inialay ang Kanyang buhay upang iligtas tayo mula sa kaparusahan sa kasalanan.
Sinabi ni Juan, “Hindi pa naiintindihan noon ng mga tagasunod ni Jesus ang ginawang iyon ng mga tao. Pero nang makabalik na si Jesus sa langit, saka lang nila naintindihan na iyon ang nakasaad sa Kasulatan” (JUAN 12:16). Malinaw ang dakilang layunin ng Dios – ang iligtas tayo sa pamamagitan ng Kanyang Anak.