Nang magkaroon ng walong buwang bakasyon si Joe sa kanyang trabaho, naging social worker siya sa isang simbahan sa Amerika. Naranasan din ni Joe ang tumira sa lansangan. Sa loob ng 13 araw, namuhay siya noon sa kalsada at halos walang makain. Iyon naman ang paghahandang ginawa sa kanya ng Dios para sa kanyang ministeryo sa pagtulong sa mga nangangailangan. Sinabi ni Joe na muli niyang naranasan ang mamuhay na kasama ng mga walang tirahan at maging isa sa kanila. Naalala niya kung paano ang magutom, mapagod at mabalewala tulad nila.
Nang pumarito naman si Jesus sa mundo, pinili rin Niyang maranasan ang mga nararanasan ng mga tao. Sinasabi sa Hebreo, “At yamang ang mga anak ng Dios na binanggit niya ay mga taong may laman at dugo, naging tao rin si Jesus upang sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan ay malupig Niya ang diyablo na siyang may kapangyarihan sa kamatayan” (2:14).
Simula sa Kanyang pagsilang hanggang kamatayan, naranasang lahat ni Jesus ang naranasan ng mga tao maliban lang ang magkasala (4:15). Dahil napagtagumpayan Niya ang kasalanan, matutulungan Niya tayo kapag tayo’y natutuksong gumawa ng kasalanan.
Hindi naman kailangang paalalahanan pa si Jesus tungkol sa mga dinaranas natin. Patuloy na nagmamalasakit sa atin ang ating Tagapagligtas. Anuman ang danasin natin sa buhay, makakaasa tayo na ang Panginoong Jesus na nagligtas sa atin mula sa diyablo (2:14), ang siya ring tutulong sa atin sa panahon ng matitinding paghihirap.