Nagsisilbing inspirasyon sa atin ang pagpapakita ng lubos na dedikasyon ng mga tao para makamit ang kanilang pangarap. May isa akong kakilala na natapos ang kanyang kolehiyo sa loob lang ng tatlong taon. Matinding dedikasyon ang kailangan para magawa iyon. May kaibigan naman ako na nagsumikap para mabili ang kotseng pinakamimithi niya.
Maganda naman na may inaasam tayong mga bagay dito sa mundo, pero dapat nating pagtuunan ang higit na mahalaga na nararapat nating asamin o hanap-hanapin.
Noong nasa liblib na lugar si Haring David at napakabigat ng kalooban, sinabi niya, “O Dios, Kayo ang aking Dios. Hinahanaphanap ko Kayo” (SALMO 63:1). Ipinadama naman ng Dios na kasama Niya si David. Tanging ang Dios lamang ang makapapawi sa masidhing espirituwal na pagkauhaw ni David sa panahon ng kanyang paghihirap.
Nagpuri at nagpasalamat si David sa Dios habang inaalala ang Kanyang kaluwalhatian at pag-ibig. Sinabi ni David na nasisiyahan siya sa Dios na tulad ng isang taong nabusog sa isang handaan. At maging sa kanyang paghiga ay inaalala niya ang kadakilaan at pagtulong sa kanya ng Dios (TAL. 2-7).
Patuloy naman tayong inuudyukan ng Banal na Espiritu na hanap-hanapin din ang Dios tulad ng ginawa ni David. Sa gayon, mararanasan din natin ang Kanyang pag-ibig at kapangyarihan sa ating buhay. Sa tulong at gabay ng Banal na Espiritu, nawa’y patuloy tayong lumapit at manangan sa Dios na siyang lumikha ng lahat ng mabubuting bagay.