Nakatira si Adrian at ang kanyang pamilya sa isang bansa kung saan nakakaranas sila ng pag-uusig dahil sa kanilang pagsampalataya kay Jesus. Minsan, habang nakatayo si Adrian sa bakuran ng kanilang simbahan, sinabi niya, “Biyernes Santo ngayon. Inaalala natin ang paghihirap na dinanas ni Jesus sa krus para sa atin.” Nauunawaan ng mga mananampalataya sa lugar na iyon ang tungkol sa paghihirap. Sinabi pa ni Adrian, “Nandito pa rin kami hanggang ngayon at patuloy na naninindigan para kay Cristo.”

Tulad nila Adrian may mga kababaihan na nanatiling nanindigan upang samahan si Jesus noong Siya’y ipako sa krus hanggang sa mamatay (MARCOS 15:40).

Ipinakita nina Maria na taga-Magdala, Salome, at Maria na ina nina Santiago at Jose ang kanilang katapangan at pagmamahal kay Jesus sa pamamagitan ng pananatili roon. Sumasama sila kay Jesus at tumutulong sa Kanya noong nasa Galilea Siya (TAL. 41) at nandoon din sila upang samahan Siya sa pinakamahirap na oras ng Kanyang buhay.

Habang inaalala natin ngayong araw na ito ang dakilang regalo ng ating Tagapagligtas at ang Kanyang kamatayan, isipin natin kung paano natin maipapakita ang ating paninindigan para sa Kanya habang hinaharap natin ang mga pagsubok sa buhay (SANTIAGO 1:2-4). Idalangin din natin ang kapwa natin mananampalataya na dumaranas ng paghihirap dahil sa kanilng pananampalataya. Tulad nga ng hiling ni Adrian, “Maaari n’yo ba kaming samahan sa pamamagitan ng pananalangin para sa amin?”