Habang nakasakay ako sa eroplano, hinawi ng flight attendant ang kurtina na naghahati sa mga first class na pasahero at sa mga ordinaryong pasahero na tulad ko. Ipinaalala sa akin nito na hindi ko mararanasan ang mga pribiliheyo na mayroon ang mga first class na pasahero na nagbayad ng mas mahal.

Makikita naman sa kasaysayan na mayroon na talagang paghahati-hati sa mga tao. Makikita rin ito sa templo ng Dios sa Jerusalem pero hindi naman sukatan kung sino ang makakapagbayad ng mas malaki. Ang mga hindi Judio ay maaari lamang sumamba sa labas ng templo.

Mayroon namang lugar sa templo na para sa kababaihan lang at katabi naman nito ang para sa kalalakihan. At sa loob ng templo ay naroon ang Pinakabanal na Lugar kung saan inihayag ng Dios ang Kanyang Sarili. May kurtina na naghahati rito at sa Banal na Lugar at ang pinakapunong pari lamang ang maaaring makapasok doon ng isang beses sa isang taon (HEBREO 9:1-10).

Ngunit wala na ang kurtinang iyon. Inalis na ni Jesus ang tabing na nagiging harang para sa atin na makalapit ng direkta sa Dios, kahit na ang ating kasalanan (10:17). Kung paanong napunit ang kurtina sa templo noong namatay si Jesus (MATEO 27:50-51), naging Tagapamagitan naman natin ang Panginoong Jesus upang makakalapit na tayo sa Dios. Wala na ang nagiging balakid upang maranasan nating mga mananampalataya ang kadakilaan at pagmamahal ng ating buhay na Dios.