Noong tanghali ng Setyembre 21, 1938, nagbigay ng babala sa U.S. Weather Bureau ang meteorologist na si Charles Pierce na may paparating na malakas na bagyo sa New England. Hindi naman pinansin ng forecaster ang babalang ito. Ngunit pagsapit ng ika-4 ng hapon, tumama na ang bagyo sa New England. Maraming bahay ang napinsala at higit sa 600 katao ang nasawi. Naiwasan sana ang mga pinsalang ito kung nakarating sa kanila ang babala ni Charles.
Sa Lumang Tipan naman ng Biblia, napakahalaga na alam ng mga tao kung sino ang dapat nilang pakinggan. Sa panahon ni Jeremias, nagbabala ang Dios tungkol sa mga bulaang propeta, “Huwag kayong maniniwala sa sinasabi ng mga bulaang propetang ito. Pinapaasa lang nila kayo sa mga kasinungalingan. Hindi galing sa Akin ang mga sinasabi nilang pangitain kundi sa sarili nilang isipan” (JEREMIAS 23:16).
Sinabi rin Niya, “Ngunit kung alam lang nila kung ano ang nasa isip Ko, sinabi sana nila ang mga salita Ko sa aking mga mamamayan” (TAL. 22).
Hanggang ngayon, mayroon pa ring mga bulaang propeta. Nagpapahayag sila ng mga kasinungalingan at binabaluktot ang Salita ng Dios para sa kanilang sariling kapakanan. Nagunir sa pamamagitan ng Salita ng Dios at ng Banal na Espiritu, magagawa nating mapagtanto kung ano ang mali at ang totoo. Kung lagi tayong sumasangguni sa Salita ng Dios, ang ating mga sinasabi at pamumuhay ay magpapatunay ng mga katotohanan ng Dios sa ibang tao.