Ano nga ba ang nag-uudyok para magkaroon ng rebolusyon? Baril ba o bomba? Noong mga 1980s, ang mga kanta ang nagpasimula ng rebolusyon sa bansang Estonia. Dahil sa pagawit ng mga awiting makabayan na tinawag na “Singing Revolution,” natuldukan ang maraming dekadang pananakop sa kanila ng Soviet Union. Taong 1991 nang iproklama ang kanilang kalayaan.
Ayon sa isang website, ang pag-awit ang nagsilbing instrumento para patuloy na magkaisa ang mga taga-Estonia at ito rin ang nagpatatag sa kanila sa loob ng limampung taong pananakop ng Soviet Union.
Maaari ding makatulong sa atin ang musika sa pagharap natin sa mga mahihirap na sitwasyon sa ating buhay. Marahil, ito ang dahilan kung bakit naiuugnay natin ang ating sitwasyon sa mga Salmo sa Biblia. Kapag tayo’y nababagabag, maaari nating alalahanin ang Salmo 42 na isinulat sa panahon ng kabalisahan, “Bakit nga ba ako nalulungkot at nababagabag? Dapat magtiwala ako sa Inyo. Pupurihin ko Kayong muli, aking Dios at Tagapagligtas!” (TAL. 5). Magsisilbi ring paalala sa atin ang isinulat ni Asaf noong dumaranas siya ng kabiguan, “Tunay na mabuti ang Dios sa Israel, lalo na sa mga taong malilinis ang puso” (73:1).
Nawa’y patuloy na makatulong ang mga awitin sa Salmo kapag tayo’y nakakaranas ng mga pagsubok. Mapagtatagumpayan natin ang nararamdaman nating kalungkutan sa pamamagitan ng pagtitiwala sa pag-ibig at katapatan ng Dios.