Sa isang simbahan, maririnig ang palakpak ng isang bata sa tuwing may lalapit sa harapan para hayagang magsisi sa kanyang kasalanan at makatanggap ng kapatawaran mula sa Dios. Pagkatapos ng gawaing iyon, humingi ng paumanhin ang ina ng bata. Sinabi niya sa pastor, “Ipinaliwanag ko kasi sa anak ko na ang isang taong nagsisi sa kanyang kasalanan ay kaibigan nang muli ng Dios. Dahil dito, hindi niya mapigilang ipakita na masaya siya para sa kanila.”
Naipaliwanag ng ina sa musmos na isip ng kanyang anak ang Mabuting Balita ng kaligtasan sa simpleng paraan. Dati tayong mga kaaway ng Dios, ngunit nanumbalik ang ating magandang relasyon sa Kanya sa pamamagitan ng kamatayan at muling pagkabuhay ni Jesus (ROMA 5:9-10). Tunay na kabigan na tayo ngayon ng Dios.
Dahil tayo ang sumira sa ating pagkakaibigan sa Dios (TAL. 8), ang pagsisi ang ating bahagi sa panunumbalik ng ating magandang relasyon sa Kanya. Sinasabi naman sa Lucas na pumapalakpak ang buong sangkalangitan sa isang makasalanang nagsisi (15:10) na tulad ng ginawa ng bata.
Sinabi ni Jesus, “Wala nang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-alay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan” (JUAN 15:13). Dahil sa pagsasakripisyo ni Jesus alangalang sa Kanyang relasyon sa atin, naging kaibigan na natin Siya, “Hindi Ko na kayo itinuturing na alipin... Sa halip, itinuturing Ko na kayong mga kaibigan” (15:15). Karapat-dapat talaga itong palakpakan.