Minsan, nagising ako sa kalagitnaan ng gabi at nanalangin dahil sa labis na pagkabalisa. Pero hindi talaga ako mapanalangin. Dahil hindi pa rin gumagaan ang pakiramdam ko, pinagmasdan ko mula sa aking bintana ang kalangitan. Natuon ang aking paningin sa tinatawag na Orion’s Belt. Ito ang tatlong bituin na maayos na nakahanay sa langit. May kaunti akong nalalaman tungkol sa mga bituin kaya alam kong napakalayo ng mga ito sa akin.
Napagtanto ko na kapag mas malapit ako sa mga bituing iyon, makikitang hindi talaga sila nakahanay nang maayos. Pero kapag mas malayo ako, napakaganda nilang tingnan. Sa pagkakataong iyon, naisip ko na masyado akong nakatingin sa buhay ko kaya hindi ko na nakikita kung ano ang nakikita ng Dios. Nakikita Niya ang kabuuan at ang lahat ay tila nakahanay nang maayos ayon sa Kanyang kalooban.
Sa Roma 11, mababasa natin ang pagpupuri ni Apostol Pablo habang inilalarawan ang layunin at pamamaraan ng Dios (TAL. 33-36). Tunay na napakadakila ng Dios at hindi natin lubusang maunawaan ang Kanyang pasya at pamamaraan (TAL. 33). Kahit na Siya ang nagpapanatili ng lahat ng bagay sa langit at sa lupa, minamahal Niya tayo at may malasakit siya sa bawat detalye ng ating buhay (MATEO 6:25-34; COLOSAS 1:16).
Kahit na balisa tayo dahil sa mga nangyayari sa ating buhay, makatitiyak tayo na may magandang plano ang Dios. Lagi itong makabubuti para sa atin at ginagawa Niya ito para sa Kanyang karangalan at kaluwalhatian.