Hinabol ni Tom ang mga nagnakaw ng bisikleta ng kanyang kaibigan. Wala siyang plano kung ano ang gagawin. Ang alam lang niya ay dapat mabawi ang bisikleta. Nagulat siya nang lumingon ang magnanakaw at binitawan na ang bisikleta. Guminhawa ang pakiramdam ni Tom at nabilib din sa kanyang sarili habang pinupulot ang bisikleta. Nang pabalik na siya, saka niya nakita na nakasunod pala sa likuran ang kaibigan niyang si Jeff na malaki ang katawan.
Natakot naman ang lingkod ni Eliseo nang makita na napapaligiran sila ng hukbo ng kaaway. Tinanong niya si Eliseo, “Ano po ang gagawin natin, amo?” Sumagot naman si Eliseo, “Huwag kang matakot. Mas marami tayong kasama kaysa sa kanila.” At nang buksan ng Dios ang mga mata ng lingkod ni Eliseo, nakita nito na “puno ng mga kabayo at karwaheng apoy ang kaburulan sa paligid ni Eliseo” (2 HARI 6:15-17).
Kung ninanais mo na sumunod kay Jesus, hindi malayong makaranas ka ng mga mahihirap na sitwasyon. At dahil determinado ka na gawin kung ano ang tama, maaaring mabahiran ang iyong reputasyon at malagay ka sa panganib. Maaari din na mahirapan kang makatulog sa kakaisip pero alalahanin mo na hindi ka nag-iisa. Hindi mo kailangang maging mas malakas at mas matalino sa pagharap sa hamon. Kasama mo si Jesus at ang kapangyarihan Niya ay higit sa lahat ng iyong kakalabanin.
Itanong mo rin sa iyong sarili ang itinanong ni Apostol Pablo, “Kung ang Dios ay panig sa atin, sino ang makakalaban sa atin?” (ROMA 8:31 MBB). Harapin mo ang ano mang pagsubok na kasama ang Dios.