Mahilig kumanta si Dandy at ginagawa niya ito para palakasin ang loob ng ibang tao. Minsan, habang kumakain kami sa aming paboritong kainan, napansin niya na malungkot ang isang serbidora. Kinausap niya ito at pagkatapos ay nagsimula siyang kumanta ng isang masiglang awitin. Nagpasalamat sa kanya ang serbidora at nakangiting sinabi na lubos siyang napasaya nito.
Kung babasahin natin ang Aklat ng Zefanias, makikita natin dito na gusto rin ng Dios ang pag-awit. Maganda ang pagkakalarawan ni propeta Zefanias sa Dios bilang isang mang-aawit na ninanais na awitan ang Kanyang mga anak. Sinabi ng propeta, “Magagalak Siya sa inyo, at sa pamamagitan ng Kanyang pagibig ay babaguhin Niya ang inyong buhay. Aawit Siya nang may kagalakan dahil sa inyo” (3:17).
Ipinangako ng Dios na lagi Niyang sasamahan ang mga sumasampalataya sa Kanya. Ngunit hindi lamang Niya sila binago dahil sa Kanyang awa, hinihikayat Niya pa sila na samahan Siyang umawit at magalak nang buong puso (TAL. 14).
Napakaganda sigurong masaksihan ang mangyayari sa darating na panahon kung saan kasama na natin ang Dios at ang lahat ng mga sumampalataya kay Jesus bilang Panginoon at Tagapaglitas. Tiyak na kamangha-manghang mapakinggan na umaawit para sa atin ang ating Ama sa langit. Napakasarap din na makasama natin Siyang umaawit habang ipinapadama Niya ang Kanyang pagmamahal at pagtanggap sa atin.