Ang pelikulang The Free State of Jones ay tungkol kay Newton Knight at ng iba pa niyang kasamang alipin noong panahon ng US Civil War. Si Knight ang kinilalang bayani sa digmaang iyon pero malaki ang naging bahagi ng dalawa niyang kasamahan. Ginamot ng mga ito ang malaking sugat ni Knight sa binti na natamo niya sa pagtakas mula sa mga kalaban. Tiyak na namatay si Knight kung iniwan siya ng dalawang aliping ito.
Sugatan rin ang mga taga-Juda dahil sa pagkakabihag sa kanila ng mga taga-Asiria. Pinanghinaan sila ng loob at nawalan ng pag-asa. Inihayag pa ni Propeta Isaias na bibihagin din sila ng mga taga-Babilonia sa darating na panahon. Kailangan nila sa pagkakataong iyon ang isang Dios na magliligtas sa kanila at hindi sila iiwan. Kaya naman, gaano na lang kaya ang nadamang pag-asa ng Juda nang sabihin ng Dios na, “Huwag kang matatakot dahil kasama mo Ako” (ISAIAS 43:5).
Sinabi pa Niya, “Kapag dumaan ka sa tubig, Ako’y kasama mo...Kapag dumaan ka sa apoy, hindi ka masusunog; at ang liyab nito ay hindi makakapinsala sa iyo” (TAL. 2). Makakaasa sila na anuman ang haharapin nilang mahirap na sitwasyon, sasamahan sila ng Dios.
Mababasa natin sa iba’t ibang bahagi ng Biblia ang pangako ng Dios na sasamahan Niya, pangangalagaan, gagabayan ang mga nagtitiwala sa Kanya at kailanma’y hindi iiwan o pababayaan. Nawa’y panghawakan natin ito upang kahit na dumanas tayo ng matinding pagsubok, hindi tayo panghihinaan ng loob. Makatitiyak tayo na kasama natin Siya.