Noong Nobyembre 27, 1939, may tatlong treasure hunter ang naghukay sa labas ng Hollywood Bowl amphitheater sa Southern California. Hinahanap nila ang tinatawag na Cahuhenga Pass treasure na binubuo ng mga ginto, dyamante, at perlas. May narinig kasi silang bali-balita na doon ibinaon ang mga kayamanang iyon, 37 taon na ang nakakalipas.
Pagkaraan ng 24 oras na paghuhukay, wala silang nahanap. Nakagawa lamang sila ng napakalalim na hukay sa lugar na iyon at umuwing biguan.
Likas na sa tao ang magkamali. Nabibigo tayong lahat paminsan-minsan. Matutunghayan natin sa Biblia ang kuwento ni Marcos na iniwan sina Pablo at Barnabas habang nagmimisyon sila at hindi na nagpatuloy. Dahil dito, ayaw nang pumayag ni Pablo na isamang muli si Marcos sa susunod nilang pagmimisyon (GAWA 15:38) na naging sanhi ng pagtatalo nina Pablo at Barnabas. Pero sa kabila ng kamaliang iyon ni Marcos, nakabawi siya pagkaraan ng ilang mga taon. Noong nasa bilangguan si Pablo, nalulungkot at nasa huling bahagi na ng kanyang buhay, ipinatawag niya si Marcos. Sinabi ni Pablo na malaki ang naitulong ni Marcos sa kanyang gawain (2 TIMOTEO 4:11). Ginabayan din ng Dios si Marcos upang makapagsulat ng aklat sa Biblia.
Ipinapakita sa buhay ni Marcos na hindi tayo pababayaan ng Dios na haraping mag-isa ang ating mga pagkakamali. May Kaibigan tayo na higit pa sa ating mga kabiguan. Habang sinunod natin ang ating Tagapagligtas, tutulungan at palalakasin Niya tayo.