Sa isang post office sa Jerusalem, marami ang nagpapadala ng sulat para sa Dios. Umaabot sa libu-libong sulat ang naiipon nila sa bawat taon ngunit hindi nila alam kung saan nila dadalhin ang mga ito. Isa sa mga empleyado ng post office ang nakaisip na dalhin ang mga naipong sulat sa Western Wall ng Jerusalem. Isinuksok nila ang mga sulat sa mga pader.
Karamihan sa mga sulat ay humihiling sa Dios na magkaroon sila ng trabaho, ng asawa, o ng mabuting kalusugan. May ilan naman na humihingi ng tawad sa Dios at ang iba nama’y nagpapasalamat sa Kanya. May isa naman na hiniling sa Dios na makita sana niya sa panaginip ang kanyang yumaong asawa. Umaasa ang bawat nagpadala ng sulat na makakarating sa Dios ang mga ito at Kanya itong diringgin.
May kaugnayan dito ang natutunan ng mga Israelita sa kanilang mahabang panahong paglalakbay sa ilang. Natutunan nila ang katotohanan na ang kanilang Dios ay hindi tulad ng ibang dios. Naririnig ng Dios ang kanilang mga panalangin hindi tulad ng mga dios-diosan. Sinabi nila, “Wala nang iba pang makapangyarihang bansa na may dios na malapit sa kanila gaya ng Panginoon na ating Dios na malapit sa atin sa mga panahong tumatawag tayo sa Kanya” (DEUTERONOMIO 4:7). Napakagandang balita nito!
Hindi nakatira ang Dios sa Jerusalem. Naroon Siya saan man tayo magpunta. Ngunit may mga hindi pa nakakaalam ng katotohanang ito. Kung maaari lang sanang sagutin ang lahat ng sulat nila ng ganito: Nasa tabi mo lang ang Dios, kausapin mo lang Siya.