Ang pelikulang Amistad ay ang kuwento ng mga aliping Aprikano noong 1839. Nang dadalhin na sila sa isang lugar sakay ng isang barko, sinubukan nilang lumaban. Napatay nila ang kapitan ng barko at ang ilang mga tauhan nito. Kalaunan, muli na naman silang nabihag, ikinulong at nilitis. Hindi makakalimutan ang eksena sa korte kung saan paulit-ulit na isinisigaw ng pinuno ng mga alipin na si Cinqué na bigyan sila ng kalayaan. Nanaig naman ang katarungan at pinalaya ang mga alipin.
Karamihan sa mga tao ngayon ay hindi na nakakaranas ng ganoong uri ng pang-aalipin pero maituturing pa rin silang mga bihag dahil sa kanilang mga kasalanan. Napakaganda naman ng sinabi ni Jesus sa Juan 8:36, “Kaya kung ang Anak ng Dios ang magpapalaya sa inyo, talagang magiging malaya kayo.” Ipinahayag dito ni Jesus na Siya mismo ang pinagmumulan ng tunay na kalayaan dahil patatawarin sa kanilang mga kasalanan ang sinumang magtitiwala sa Kanya.
Pero ilan sa mga kausap ni Jesus noon ay hindi naniniwalang alipin sila at iniisip na hindi nila kailangan ng kalayaan (TAL. 33).
Nananabik si Jesus na marinig sa mga tao na bigyan Niya sila ng kalayaan tulad ng isinigaw ni Cinqué. Buong kahabagan Niyang hinihintay na magsumamo sa kanya ang mga taong bihag ng kawalan ng pananampalataya, takot o ng kabiguan. Dapat nilang mapagtanto na kailangan nila ang tunay na kalayaan. Makakamtan lamang ang kalayaang ito ng mga sasampalataya na si Jesus ang Anak ng Dios na isinugo sa mundo upang wasakin ang kapangyarihan ng kasalanan na bumibihag sa atin sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay.