“Kagagawa lang ng kalsadang ito pero babaklasin na naman nila ulit?” Ito ang minsang nasabi ko sa aking sarili habang nagmamaneho at bumabagal ang takbo ng trapiko dahil sa ginagawang kalsada. Naisip ko rin na bakit kaya lagi na lang may kailangang ayusing kalsada. At kahit minsan, wala pa akong nakitang karatula sa daan na nagsasabi na tapos na ang paggawa sa kalsada at maaari nang daanan ang perpektong kalsadang ito.
Tila ganoon din ang aking espirituwal na buhay. Noong bago pa lang akong mananampalataya kay Cristo, akala ko’y hinog na hinog na ako dahil marami na rin akong nalalaman. Pero pagkalipas ng tatlumpung taon, inaamin ko na tulad ako ng mga kalsada na laging may kailangang ayusin o baguhin pa sa akin. At minsan, nadidismaya ako sa aking sarili.
Matatagpuan naman natin sa Hebreo 10 ang napakagandang pangako, “Kaya sa pamamagitan lang ng minsang paghahandog, ginawa Niyang ganap magpakailanman ang mga pinabanal Niya” (TAL. 14). Naligtas na tayo dahil sa pagkakapako sa krus ni Cristo. At ang ginawa Niyang iyon ay kumpleto na at perpekto. Sa paningin ng Dios, buo na tayo at wala nang kailangang gawin pa. Pero kahit ganap na tayo sa harap ng Dios, patuloy pa rin Niya tayong hinuhubog upang matularan natin si Jesus at mamuhay nang may kabanalan.
Darating ang araw na makakaharap na natin nang mukhaan si Jesus (1 JUAN 3:2). Pero habang hinihintay natin ang napakadakilang araw na iyon, patuloy Niya pa rin tayong huhubugin.