Sa isang gas station, may isang babae na humihingi ng tulong. Naubusan ng gas ang kanyang sasakyan at naiwan nito ang kanyang credit card. Kahit na walang trabaho noon si Staci, pinili niyang tulungan ang babae. Pagkalipas ng ilang araw, may nakita si Staci sa kanilang balkonahe ng isang basket na puno ng mga regalo. Sinuklian ng mga kaibigan ng babae sa gas station ang kabaitan ni Staci. Ang maliit na halaga na itinulong niya sa babae ay napalitan ng biyaya para sa kanyang pamilya noong paskong iyon.

Ipinapakita sa kuwentong iyon ang mensaheng nais iparating ni Jesus, “Magbigay kayo, upang bigyan din kayo ng Dios. Ibabalik sa inyo nang sobra-sobra at umaapaw ang ibinigay ninyo. Sapagkat kung paano kayo magbigay sa iba, ganoon din ang pagbibigay ng Dios sa inyo” (LUCAS 6:38).

Dahil sa sinabing iyon ni Jesus, maaaring ang maging motibasyon na lang natin sa pagbibigay ay para tumanggap ng kapalit. Pero hindi iyon ang nais ni Jesus. Sinabi Niya na, “Mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at gumawa kayo ng mabuti sa kanila. Kung magpapahiram kayo, magpahiram kayo nang hindi umaasa ng anumang kabayaran. At malaking gantimpala ang tatanggapin ninyo, at makikilala kayong mga anak ng Kataas-taasang Dios. Sapagkat mabuti siya kahit sa mga taong masama at walang utang na loob” (TAL. 35).

Hindi tayo dapat magbigay para lamang makakuha ng kapalit. Sa halip, magbigay tayo dahil nasisiyahan ang Dios dito. Pagpapakita ito ng pagmamahal sa ating kapwa at sa pamamagitan din nito’y naipapadama natin ang pag-ibig ng Dios.