Si Patrick Ireland ay isa sa mga naging biktima ng massacre sa Columbine High School. Labing-tatlo ang nasawi roon at isa si Patrick sa dalawampu’t apat na nasugatan. Bago pa man mangyari iyon, naisip ni Patrick na parang pinili siya ng Dios para sa isang mahalagang bagay.
Habang nagpapagaling si Patrick, natutunan niyang lalong magdudulot ng sakit sa damdamin kung pananatilihin niya ang galit sa puso. Ipinakita naman ng Dios kay Patrick na ang susi sa pagpapatawad ay ang pagtuon sa ginawa ni Jesus para sa atin sa halip na sa mga masamang ginawa ng ibang tao sa atin. Tinupad ni Jesus ang propesiyang ipinahayag ni Zacarias tungkol sa Kanyang pagpapatawad (LUCAS 1:77). Sinabi ni Jesus, “Ama, patawarin Mo sila dahil hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa” (LUCAS 23:34). Pagkalipas ng 22 taon mula nang mangyari ang trahedya, nasabi ni Patrick, “Marahil, pinili ako para magpatawad.”
Hindi man natin naranasan ang matinding nangyari sa Columbine, mayroon namang mga taong nakasakit sa atin. Maaaring pinagtaksilan tayo ng ating asawa, nagrebelde ang ating mga anak o naabuso tayo. Sa mga pagkakataong iyon, paano tayo makakapagpatawad?
Magandang tularan natin ang ginawa ng ating Tagapagligtas na si Jesus. Sa kabila ng mga pagpapahirap sa Kanya, nagpatawad Siya. At dahil din sa Kanyang pagpapatawad, nakasumpong tayo ng kaligtasan at ng kakayahang magpawatad din ng ibang tao. Tulad ni Patrick, piliin nating isantabi ang galit at buksan ang ating puso sa pagpapatawad.