Tungkulin ng kaibigan kong si Ellen ang pag-aasikaso sa sahod ng mga empleyado sa isang kompanya. Tila madali lang ang trabaho niya pero may pagkakataong nahuhuli ang mga may-ari ng kompanya sa pagsusumite ng mga kailangang dokumento. Dahil dito, nagtatrabaho si Ellen ng mas matagal para matanggap ng mga empleyado ang sahod nila sa tamang oras. Ginagawa niya ito bilang pagmamalasakit sa mga pangangailangan ng pamilya ng mga empleyado.
Naaalala ko si Jesus dahil sa pagkahabag at pagmamalasakit ni Ellen sa iba. Naglilingkod pa rin si Jesus sa iba sa kabila ng mga sitwasyon na hindi maginhawa para sa Kanya. Halimbawa nito ay nang marinig Niyang namatay si Juan na tagabautismo at nais Niyang mapag-isa. Sumakay si Jesus noon sa isang bangka patungo sa isang malayong lugar (MATEO 14:13). Nais marahil ni Jesus na magluksa sa pagkamatay ng kamag-anak Niya at manalangin dahil sa Kanyang kalungkutan.
Pero hindi magawa ni Jesus na mapag-isa dahil palagi Siyang sinusundan ng maraming tao. Iba’t iba ang pangangailangan ng mga ito. Mas magiging madali sana kung itataboy na lang sila ni Jesus pero “naawa Siya sa kanila at pinagaling Niya ang mga may sakit sa kanila” (TAL. 14).
Bahagi na ng gawain ni Jesus ang pagtulong, pagtuturo, at pagpapagaling sa mga tao. Tulad Niya, magkaroon din nawa tayo ng pagkahabag at pagmamalasakit sa iba.