Iba’t iba ang kakayahan natin sa larangan ng pag-eehersisyo. Kung kaya mong gumawa ng sampung push-up, aapat lang ang kaya ko namang gawin. Hindi pare-pareho ang antas ng lakas ng katawan natin. Sinabi ng tagapagsanay namin, “Sa tuwing mag-eehersisyo ka, ibigay mo ang lahat ng lakas mo. Huwag mong ikumpara ang sarili mo sa iba. Gawin mo lang kung ano ang kaya mong gawin. Kung ngayon, apat na push-up lang ang kaya mo, magugulat ka na lang na sa mga susunod, kaya mo nang gumawa ng pito o maging ng sampu.”
Sa aspeto naman ng pagbibigay sa iba, sinabi ni Apostol Pablo na ibigay rin natin ang lahat: “Mahal ng Dios ang mga nagbibigay nang may kagalakan” (2 CORINTO 9:7). Katulad ng sa pageehersisyo, may iba’t iba rin tayong kakayahan sa pagbibigay na nagbabago sa loob ng panahon.
“Ang bawat isa sa inyo ay magbigay nang ayon sa sariling kapasyahan, nang walang pagaatubili, at hindi sapilitan” (TAL. 7). Hindi natin dapat ikumpara ang sarili natin sa kakayahan ng iba sa pagkakaloob. Mahalaga para sa Dios ang saloobin natin.
Nais ng Dios na magbigay tayo ng maluwag sa puso natin (TAL. 6). Nais Niyang ipagkaloob natin ang lahat nang may kagalakan sa puso. Pagpapalain ng Dios ang sinumang nagkakaloob nang may kagalakan. At “marami ang magpapasalamat sa Dios dahil sa tulong na ipinapadala ninyo sa kanila sa pamamagitan namin” (TAL. 11).