Karamihan sa mga katrabaho ni Mike ay kakaunti lamang ang nalalaman tungkol sa Dios at wala ring pakialam. Pero, alam nila na may malasakit sa kanila si Mike. Minsan, dahil malapit na ang Linggo ng Pagkabuhay, may nagtanong kay Mike kung ano ang kaugnayan nito sa Pista ng Paglampas ng Anghel.
Ikinuwento naman ni Mike kung paanong pinalaya ng Dios ang mga Israelita mula sa pagkakaalipin sa Egipto. Binanggit din niya ang tungkol sa sampung salot at kasama na roon ang pagpatay sa mga panganay na anak ng mga taga Egipto. Ipinaliwanag ni Mike na nilampasan ng anghel ang mga bahay ng mga Israelita na may pahid ng dugo ng handog na tupa ang hamba ng kanilang mga pinto.
Ibinahagi niya rin na sa paglipas ng taon, habang ipinagdiriwang ang Pista ng Paglampas ng Anghel, ipinako si Jesus upang maging handog para sa ating katubusan. Sa pagkakataong iyon, napagtanto ni Mike na naipapahayag na niya ang Magandang Balita.
Sinabi naman ni Apostol Pedro sa mga mananampalataya kay Cristo, “Dapat lagi kayong handang magpaliwanag sa sinumang magtatanong sa inyo tungkol sa pag-asa ninyo” (1 PEDRO 3:15). Napapalibutan kasi sila noon ng mga hindi nakakakilala sa Dios. Dahil hindi itinatago ni Mike ang kanyang pananampalataya, nagkaroon siya ng pagkakataon na maipahayag ang Salita ng Dios nang maayos, may kahinahunan at respeto sa tao. Magagawa rin nating maipahayag ang mga katotohanan tungkol sa Dios kahit sa simpleng paraan sa tulong ng Banal na Espiritu.