Isang gabi, nakatanggap ng tawag si Pastor Samuel Baggaga at sinabing pumunta sa bahay ng kanyang kasama sa simbahan. Pagdating niya roon, nakita niyang tinupok na ng apoy ang bahay nito. Nadatnan niya ang ama ng tahanan na may sunog na rin sa katawan dahil iniligtas nito ang kanyang anak.
Kahit 10 kilometro ang layo ng ospital at wala ring masakyan, itinakbo ng ama ang anak niyang wala nang malay at sinamahan sila ni Samuel. Kapag pagod na ang tatay, si Samuel naman ang nagbibitbit sa bata. Matagumpay nilang nadala sa ospital ang bata at sabay na ginamot ang mag-ama.
Matutunghayan naman natin sa Exodus 17:8-13 kung paanong kumilos ang Dios upang magtagumpay sa labanan sina Moises at Josue. Habang pinapangunahan ni Josue ang kanilang hukbo, hawak naman ni Moises ang tungkod ng Dios. Nananalo sila kapag itinataas ito ni Moises kaya kapag nangangalay na siya, tinutulungan siya nina Aaron at Hur sa pagtaas nito hanggang sa lumubog ang araw at matalo ang kanilang mga kalaban.
Malaki talaga ang nagagawa nang pagtutulungan. Dahil mabuti ang Dios, nagkakaloob Siya sa atin ng mga tao na maaaring makatulong sa atin sa iba’t ibang kaparaanan. Maaari din naman tayong makatulong sa iba tulad ng pagpapayo, pagtutuwid at pagpapalakas ng loob ng ating kapwa. Tunay na makakamit natin ang tagumpay kung magkakasama tayo at ang Dios ang siyang maluluwalhati.