May kaibigan akong babae na nagplano ng isang gawain para sa mga bata. Inanyayahan niya ang lahat ng bata sa kanilang lugar. Nasasabik siya na ipahayag sa kanila ang kanyang pananampalataya kay Jesus. Isinama niya ang kanyang tatlong apo at dalawang estudyante para makatulong. Nagplano sila ng mga palaro at iba pang gawain. Naghanda rin sila ng pagkain. Pinaghandaan din nila ang kuwento tungkol kay Jesus na ibabahagi nila.
Pero wala ni isang batang dumating sa una, pangalawa, at pangatlong araw. Gayon pa man, masigasig pa rin ang kaibigan ko at ang mga kasama niya. Tapat pa rin silang naghanda para sa gawaing iyon.
Sa pang-apat na araw, nakita ng kaibigan ko ang isang pamilya na kumakain sa parke. Niyaya nila ang mga bata sa mga palaro. Sumama ang kanilang anak na babae. Nakipaglaro, kumain, at nakinig siya sa kwento tungkol kay Jesus. Maaaring maalala ng batang babae ang tagpong iyon makalipas ang mga taon. Sino ang makapagsasabi kung anong magiging bunga nito? Pinaalalahanan tayo ng Dios sa aklat ng Galacia, “Kaya huwag tayong magsasawa sa paggawa ng mabuti, dahil sa tamang panahon matatanggap natin ang ating gantimpala kung hindi tayo susuko. Kaya nga sa tuwing may pagkakataon, gumawa tayo ng kabutihan sa lahat ng tao, lalo na sa mga kapatid natin sa pananampalataya” (6:9-10).
Huwag nating alalahanin kung wala tayong nakikitang bunga sa ginagawa natin para sa Dios. Nais ng Dios na maging tapat tayo sa gawain na ipinagkatiwala Niya. Siya ang bahalang magkaloob ng bunga nito.