Palaging tinitingnan ni Sam ang kanyang pera na mula sa kanyang pagreretiro kung kumikita ba ito sa stock market. Lagi siyang balisa na baka bumagsak ang stock market at malugi. Tila naging dios-diosan na ito para kay Sam. Nagbabala naman si Jeremias tungkol dito, “Kayong mga taga-Juda, kay dami n’yong dios-diosan...At kung gaano karami ang lansangan sa Jerusalem, ganoon din karami ang altar na itinayo n’yo para pagsunugan ng insenso para sa kasuklam- suklam na dios-diosang si Baal” (11:13).
Kapansin-pansin ang pagsamba ng mga taga-Juda sa mga dios-diosan. Kilala nila ang Dios pero paano nila nagawang sumamba sa iba? Ang Dios lamang ang makapagbibigay sa kanila ng buhay na walang hanggan pero nagbabakasakali rin sila sa mga dios-diosan na matutulungan sila o mabibigyan ng magandang buhay.
Maaaring maging tulad din tayo ng mga taga-Juda. Maganda na magkaroon tayo maayos na edukasyon at pera. Pero kung hindi tayo magiging maingat, maaaring sa mga bagay na ito tayo lubos na umasa. Alam nating kailangan natin ang Dios at hinihiling natin sa Kanya na pagpapalain Niya tayo. Kaya naman, umasa tayong lubos sa Dios at hindi sa mga bagay na ito.
Ang mga pinagtitiwalaan nating mga bagay ay dios-diosan ding maituturing. Pasalamatan natin ang Dios sa napakarami Niyang kaloob sa atin at ipahayag natin na hindi ang mga ito ang pinagtitiwalaan natin. Sa halip, sa Dios lamang tayo lubos na nagtitiwala.