Kinikilala si Su Dongpo bilang isa sa pinakadakilang manunulat ng Tsina. Habang nasa bilangguan siya at nakatingin sa buwan, naisulat niya ang isang tulang naglalarawan sa labis niyang pangungulila sa kanyang kapatid. Sinabi niya, “Nagagagalak tayo at nagdadalamhati, nagsasama- sama at naghihiwalay, habang ang buwan ay lumalaki at lumiliit.” Sinabi pa niya sa tula, “Mas humaba pa sana ang buhay ng ating mga mahal sa buhay, upang sama-sama nating pagmasdan ang magandang tanawing ito kahit ilang libong milya ang ating layo sa isa’t isa.”
Maihahalintulad naman ang tulang ito sa mga talata sa Aklat ng Mangangaral. Isinulat ng Mangangaral na, “May oras ng pagluha at may oras ng pagtawa...may oras ng pagsasama at may oras ng paghihiwalay” (3:4-5). Sa pamamagitan ng pag- kukumpara sa dalawang magkasalungat na pangyayari, tulad ni Su Dungpo, tila ipinaparating ng Mangangaral na ang lahat ng magagandang bagay ay may katapusan.
Binanggit ni Su Dungpo ang paglaki at pagliit ng buwan na nagpapahiwatig na walang anumang bagay ang perpekto. Tinalakay naman ng Mangangaral na ang Dios ang namamahala sa kaayusan ng mundo at ang lahat “ay itinadhana ng Dios na mangyari sa takdang panahon” (TAL. 11).
Hindi man natin alam kung ano ang mangyayari sa ating buhay at minsa’y makakaranas tayo ng mga paghihiwalay, hindi tayo dapat mangamba dahil ang lahat ay nangyayari ayon sa itinakdang panahon ng Dios. Maaari pa rin tayong masiyahan sa ating buhay at pahalagahan ang bawat sandali, mabuti man ito o masama dahil lagi nating kasama ang ating mapagmahal na Dios.