Hindi maunawaan ni Timothy kung bakit hinahayaan ng mapagmahal na Dios na magdusa ang kanyang asawang si Leila dahil sa kanser. Naglingkod naman si Lela sa Dios kaya naitanong ni Timothy, “Bakit Ninyo ito hinayaang mangyari?” Pero kahit ganoon, nagpatuloy pa rin si Timothy sa pagiging tapat sa Dios.
Tinanong ko si Timothy, “Bakit patuloy ka pa ring naniniwala sa Dios at hindi mo pa rin Siya tinatalikuran?” Sumagot naman siya, “Dahil sa mga ginawa Niya noon.” Ipinaliwanag niya na kahit hindi niya makita ang pagkilos ng Dios ngayon, inaalala naman niya ang pagsaklolo at pag-iingat sa kanya ng Dios noon. Iyon ang mga palatandaan na patuloy pa rin na nagmamalasakit ang Dios. Dagdag pa ni Timothy, “Alam kong ang Dios na aking pina-niniwalaan ay kikilos pa rin ayon sa Kanyang kaparaanan.”
Ang mga sinabing iyon ni Timothy ay tulad ng ipinakitang pagtitiwala ni Isaias. Kahit na hindi niya maramdaman ang pagkilos ng Dios nang dumaranas ng paghihirap ang mga Israelita, naghihintay siya sa Panginoon (ISAIAS 8:17). Nagtitiwala siya sa Dios dahil sa mga ibinigay Niyang palatandaan ng Kanyang pagkilos (TAL. 18).
Sa mga panahong dumaranas tayo ng pagsubok, maaaring maramdaman din natin na hindi natin kasama ang Dios. Iyon ang mga pagkakataon na dapat nating alalahanin ang pagkilos ng Dios sa ating buhay noon at ngayon. Palatandaan ito na lagi nating kasama ang Dios at tutugon Siya ayon sa Kanyang kaparaanan at itinakdang panahon.