Ang kantang “Tell Your Heart to Beat Again” ay hango sa isang tunay na kuwento ng isang doktor na espesyalista sa puso. Matapos niyang gamutin ang puso ng pasyente nito at ginawa ang lahat ng paraan, hindi pa rin ito tumibok. Hanggang sa lumuhod sa harapan ng pasyente ang doktor at kinausap ito, “Miss Johnson, matagumpay ang operasyon mo. Sabihin mo ngayon sa puso mo na tumibok muli.” Pagkatapos noon, muling tumibok ang puso ng pasyente.
May pagkakatulad naman ang pangyayaring iyon sa ginawa ng sumulat ng Salmo 42 na pagkausap sa kanyang kaluluwa. Sinabi niya, “Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko? Bakit ka nababagabag sa loob ko? Umasa ka sa Dios” (TAL. 5 abab). Mababasa naman sa Salmo 116:7, “Bumalik ka sa iyong kapahingahan, O kaluluwa ko; sapagkat pinakitunguhan ka na may kasaganaan ng Panginoon”(ABAB).
Matapos namang matalo ng Israel ang kanilang kalaban sa digmaan, inihayag ng hukom na si Debora na kinausap rin niya ang kanyang sarili. Sinabi niya, “Sumulong ka, kaluluwa ko, nang may lakas!” (HUKOM 5:21 abab). Nasabi niya iyon dahil alam niyang ipinangako ng Dios na mananalo sila sa laban (4:6-7).
Ang ating Makapangyarihang Manggagamot ang siyang nagpapagaling sa ating puso at mga karamdaman (SALMO 103:3). Dahil dito, maaari tayong tumawag sa Kanya kapag natatakot tayo, nalulungkot o nahihirapan at masasabi natin sa ating sarili, “Tumibok kang muli aking puso, nang may lakas!”