Napansin ko sa isang recital na nagbigay ng mga huling paalala ang isang guro sa kanyang estudyante bago sila magtanghal. Tumugtog ang bata ng isang simpleng tugtugin. Sinabayan siya ng kanyang guro para mas maging maganda ang musika. Nasiyahan ang guro sa estudyante sa pagtatapos ng kanilang pagtugtog.
Tulad din naman ng isang dueto o pagtatanghal ng dalawang tao ang ating buhay bilang mananampalataya kay Cristo. Ngunit minsan, nalilimutan kong kasama ko ang Dios at sa pamamagitan lamang ng Kanyang kapangyarihan at gabay kaya nagagawa ko ang mga dapat kong gawin. Tulad sa pagtugtog ng musika, minsa’y sinusubukan kong abutin ang mga mahihirap na nota sa sarili kong sikap pero nabibigo lamang ako. Hindi maganda ang kinalalabasan sa tuwing sinisikap kong lutasin ang mga problema ko sa sarili kong kakayahan.
Ang pagsama at pagtulong ng dakilang Tagapagturo ang nagbibigay ganda sa buhay natin. Sa tuwing umaasa ako sa sa Dios, nagiging kalugod-lugod ako sa Kanya. Sa tulong ng Dios, natututo akong maglingkod nang may kagalakan at pagmamahal sa Kanya. Gaya ng sinabi ni Jesus sa mga alagad Niya, “Ang taong nananatili sa Akin at Ako rin sa kanya ay mamumunga nang marami. Sapagkat wala kayong magagawa kung hiwalay kayo sa Akin” (Juan 15:5).
Lagi nating kasama ang ating mabuting Tagapagturo na tulad ng pagsama ng tagapagturo ng musika sa kanyang estudyante sa kanilang pagtugtog. Ang biyaya at kapangyarihan ng Dios ang lumilikha ng magandang musika sa ating buhay.