May isang lalaki na masasabing hindi karapat-dapat patawarin. Nakapatay siya ng 6 na katao. Nag-iiwan din siya ng sulat para tuyain ang mga pulis. Kaya naman, nakulong ang lalaking ito ng napakaraming taon.
Pero kumilos ang Dios sa buhay ng taong ito. Sumampalataya siya kay Jesus. Nagbabasa na siya ng Biblia at inihahayag sa pamilya ng kanyang mga biktima ang lubos niyang pagsisisi at idinadalangin din sila. Kahit 4 na dekada na siyang nakakulong, nakatuon ang kanyang pag-asa sa Dios. Sinabi niya, “Ang aking kalayaan ay matatagpuan lamang kay Jesus.”
Mababasa naman natin sa Biblia ang kuwento ng isang lalaki na hindi rin inaasahan na magiging mananampalataya. Bago makatagpo ni Saulo ang Panginoong Jesus sa daan ng Damascus, “patuloy pa rin ang pagbabanta ni Saulo sa buhay ng mga tagasunod ng Panginoon” (Gawa 9:1). Pero binago ni Jesus si Saulo na naging kilala sa tawag na Pablo (Tal. 17-18) at naging isa sa mga masigasig na tagapangaral ng Salita ng Dios sa kasaysayan. Inilaan ni Pablo ang kanyang buhay sa pagpapahayag ng Magandang Balita.
Ang pagliligtas sa atin sa kaparusahan sa kasalanan ay mahimalang gawain ng Dios. Iba-iba man ang kuwento ng pagliligtas sa atin, nananatili ang katotohanang wala ni isa sa atin ang karapat-dapat na patawarin ngunit nakasumpong ng kapatawaran. Maililigtas ni Jesus nang “lubos ang sinumang lumalapit sa Dios sa pamamagitan Niya” (Hebreo 7:25).