Isang babaeng taga-Montana ang namuhay nang bulag sa loob ng 15 taon dahil hindi naayos ng kanyang doktor ang problema sa kanyang mata. Pero, nabago ang kanyang buhay nang tanungin ng kanyang asawa sa panibagong doktor sa mata ang isang simpleng tanong, “Makakakita pa ba ang asawa ko?” Sumagot ang doktor ng Oo. Sa pagsusuri kasi ng doktor, karaniwan lamang ang problema sa mata ng kanyang asawa. Kaya naman, matapos operahan ang dalawang mata, muling nakakita ang babae.
Isang simpleng tanong din ang nagpabago sa buhay ni Naaman na isang pinuno ng hukbo. May sakit na ketong si Naaman. Nagalit siya nang sabihin sa kanya ng propetang si Eliseo na lumubog sa ilog Jordan ng 7 beses para gumaling (2 Hari 5:10). Pero simpleng nagtanong ang kanyang utusan, “Amo, kung may ipinapagawa po sa inyo na malaking bagay ang propeta, hindi ba gagawin ninyo ito? (Tal. 13). Dahil dito, sinunod ni Naaman ang ipinag-uutos ni Eliseo at “gumaling nga ang kanyang sakit at kuminis ang kanyang balat” (Tal. 14).
May mga pagkakataon na nahihirapan tayo sa isang sitwasyon dahil hindi natin ito idinudulog sa Dios. Maaari tayong magtanong sa Dios tulad ng “Matutulungan N’yo po ba ako?”, “Dapat po ba akong magpunta?”
Hindi naman hinihiling sa atin ng Dios na magtanong ng mga kumplikado para tulungan Niya tayo. Magtanong lang tayo sa Kanya ng kahit na mga simpleng tanong. Nangako ang Dios na bago pa man tayo manalangin ay sasagutin na Niya tayo (Isaias 65:24).