Labis ang pagkahilig ng anak ko sa serye na tungkol sa isang batang babaeng detective na si Nancy Drew. Sa loob ng 3 linggo ay nakatapos siya ng 12 nobela. Marahil namana niya sa akin at sa kanyang lola ang pagkahilig dito.
Ang pagkahilig ko kay Nancy Drew ay nagpaisip sa akin kung ano pa ang iba kong naipamana sa aking anak. Sa ikalawang sulat ni Apostol Pablo kay Timoteo, sinabi ni Pablo na naalala niya sa tapat na pananampalataya ni Timoteo ang pananampalatayang ipinakita ng ina nitong si Luisa at lolang si Eunice. Hinahangad ko rin naman na maipamana sa aking anak kung paano namin naisasapamuhay ng kanyang lola ang aming pananampalataya. Nawa tulad nami’y maglingkod din siya, manalangin at panghawakan ang buhay na ipinangakong makakamtan ng mga nakay Cristo Jesus (2 Timoteo 1:1).
Hindi naman dapat malungkot ang mga mananampalatayang walang magulang o mga lolo’t lola. Mababasa natin na itinuring na anak ni Pablo si Timoteo (Tal. 2) kaya maaaring may mga maituturing din na mga magulang sa pananampalataya ang mga walang kapamilya.
Ating kapamilya ang mga kapwa nating mananampalataya. Handa silang gumabay sa kung paano mamuhay nang may kabanalan (Tal. 9) at mamuhay din sa “espiritu ng kapangyarihan, pag-ibig, at disiplina sa sarili.” Tunay na lahat tayo ay may pamanang matatanggap.