Nagtago sa kagubatan sa loob ng halos dalawampu’t siyam na taon matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigidig si Hiroo Onoda. Ipinadala si Hiroo ng mga sundalong Hapon sa isang isla sa Pilipinas para maging espiya. Nang matapos ang digmaan, nanatili si Hiroo sa kagubatan. Hindi siya naniwala na nagkaroon na ng katapusan ang labanan. Noong 1974, pumunta sa isla ang pinuno ng kanilang hukbo para kumbinsihin siyang tapos na ang laban.
Sa loob ng halos tatlong dekada, namuhay si Hiroo nang mag-isa. Hindi siya naniwala na nagkaroon na ng kapayapaan matapos ang digmaan. Maaaring ganito rin ang isipin natin tungkol sa ating relasyon sa Dios. Pero binanggit ni Pablo ang isang magandang katotohanan sa Biblia, “noong binautismuhan tayo kay Jesu-Cristo, nangangahulugan ito na kasama tayo sa Kanyang kamatayan” (Roma 6:3). Sa pamamagitan ng kamatayan ni Jesus sa krus, tinapos na Niya ang mga kasinungalingan ni Satanas at wala nang kapangyarihan ang kasalanan sa atin.
Bagamat patay na tayo sa kasalanan at “nabubuhay na para sa Dios” (Tal. 11), may mga pagkakataon naman na namumuhay tayo na parang may kapangyarihan pa rin sa atin ang kasamaan. Nagpapadaig tayo sa tukso at pinakikinggan ang mga kasinungalingan ng kaaway at nawawalan ng tiwala kay Jesus. Pero hindi tayo dapat maniwala sa mga kasinungalingang ito. Dahil sa biyaya ng Dios, napagtagumpayan na ni Cristo ang kasalanan at ito ang nararapat nating panghawakan.
Kahit nakikibuno pa rin tayo sa kasalanan, tandaan natin na malaya na tayo dahil napagtagumpayan na ni Cristo sa krus ang ating laban sa kasalanan.