Nagpuyos ang galit ko nang may ginawang hindi maganda ang isang babae sa akin. Nais kong ipaalam sa iba ang ginawa niya sa akin. Nais kong mahirapan din siya at maranasan ang ginawa niya sa akin. Tumindi ang galit ko hanggang bigla namang sumakit ang ulo ko. Habang nananalangin akong mawala ang pananakit ng ulo ko, bigla namang nangusap sa akin ang Banal na Espiritu.
Paano ko nagagawang mag-isip na maghiganti habang nananalangin akong pagalingin ako ng Dios? Bakit hindi ko kayang ipagkatiwala sa Kanya ang nadarama ko? Humingi ako ng tulong sa Dios para mapatawad ang babaeng nakapanakit sa akin at makipag-ayos sa kanya.
Nauunawaan ni David na mahirap magtiwala sa Dios kapag nakakaranas ng hindi magandang pagtrato. Kahit na naging mapagmahal na lingkod si David, nainggit si Haring Saul sa kanya at nais niya itong ipapatay (1 Samuel 24:1-2). Nakaranas ng hirap si David pero patuloy na kumilos ang Dios para sa kanya. Hindi pinili ni David na maghiganti. Pinili niyang magpatawad at papurihan ang Dios (Tal. 3-7). Sinikap ni David na makipag-ayos kay Haring Saul at ipinagkatiwala sa Dios ang kalalabasan nito (Tal. 8-22).
Nakadarama tayo ng kawalan ng katarungan sa tuwing tila nakakaligtas ang mga tao mula sa maling ginawa nila sa atin. Pero dahil ang kahabagan ng Dios ang kumikilos sa ating mga puso, natututo tayong magpatawad tulad ng pagpapatawad ng Dios sa atin. Makakaasa rin tayo ng pagpapala mula sa Dios dahil dito.