Tila malaki ang tiwala sa sarili ng binatang si Malcolm. Pero isang pagkukunwari lamang ito. Lumaki siya sa isang magulong pamilya. Dahil dito, naging mahina ang loob niya. Palaging naghahanap ng pagtanggap mula sa iba si Malcolm at iniisip niyang kasalanan niya ang mga nararanasan nilang problema sa pamilya. Sinabi niya, “Bawat araw, humaharap ako sa salamin at sinasabi ko sa sarili ko na, ‘Mahina ang utak mo, pangit ka, at kasalanan mo ang lahat.”
Patuloy na minaliit ni Malcolm ang kanyang sarili hanggang noong dalawampu’t isang taong gulang na siya, nalaman niya kung sino talaga siya sa paningin ni Jesus. Sinabi ni Malcolm, “Napagtanto ko na mahal ako ng Dios at walang makapagbabago nito. Tanggap Niya ako at kailanma’y hindi Niya ako ikakahiya.” Sa tuwing haharap na si Malcolm sa salamin, sinasabi niya na, “Mahal ka ng Dios, maganda at mahalaga ka sa paningin Niya. At tandaan mong hindi mo kasalanan ang lahat.”
Ganito rin naman ang nararanasan ng isang taong nagtitiwala kay Jesus. Pinapalaya Niya tayo mula sa mga takot sa pamamagitan ng pagpapahayag kung gaano Niya tayo kamahal (Roma 8:15, 38-39). Ipinapaalala Niya na tayo’y mga anak Niya at ang lahat ng pagpapalang kaakibat nito (8:16-17; 6-8). Dahil sa pagmamahal ng Dios sa atin, nagkakaroon tayo ng bagong pananaw at pagtingin sa ating mga sarili (12:2-3).
Hanggang ngayon, paulit-ulit na ipinapaalala ni Malcolm sa kanyang sarili na mahal siya ng Dios. Tulad niya, mahal din tayo ng Dios at mahalaga para sa Kanya.