Minsan, may isang grupo na namahagi ng mga damit panglamig sa mga bata. Sabik naman na pumili ng panglamig ang bawat isa. Mas naging kompiyansa sa sarili ang mga bata dahil sa kanilang mga bagong panglamig at inisip nila na mas matatanggap sila ng ibang tao. Madalas na rin silang makakapasok sa eskuwelahan tuwing taglamig.
Tila nangailangan din ng damit panglamig si Apostol Pablo ayon sa kanyang sulat kay Timoteo, “Pagpunta mo rito’y dalhin mo ang balabal ko na iniwan ko kay Carpus sa Troas” (2 Timoteo 4:13). Nasa malamig na bilangguan sa Roma noon si Pablo at nangangailangan ng papawi sa kanyang ginaw. Sinabi pa ni Pablo, “Walang sumama sa akin sa unang paglilitis sa akin; iniwan ako ng lahat” (Tal. 16). Nakakalungkot basahin ang mga isinulat na ito ni Pablo na nagpapahayag ng labis niyang paghihirap.
Pero sa pagtatapos ng kanyang sulat, ang kanyang pagkaawa sa sarili ay napalitan ng pagpupuri sa Dios, “Ngunit sinamahan ako ng Panginoon at binigyan ng lakas.” Sinabi niya na binigyan siya ng lakas ng Dios “upang makapangaral nang lubusan sa lahat ng Hentil, at [siya’y] naligtas sa tiyak na kamatayan” (Tal. 17 MBB).
Kung dumaranas ka ng krisis sa buhay at walang tamang kasuotan o kaibigan na tutulong sa iyo, isipin mong nariyan ang Dios. Siya’y handang tumulong sa iyo at ipagkakaloob ang iyong pangangailangan. Ginagawa Niya ito para sa Kanyang kaluwalhatian at upang matupad ang layunin na ibinigay Niya sa atin para sa Kanyang kaharian.