Riptide. Batgirl. Jumpstart. Ilan lang ito sa mga palayaw sa mga tagapangasiwa ng isang gawain na dinadaluhan ng pamilya namin. Hango sa mga nakakahiyang pangyayari, kakaibang gawi, o paboritong gawain ang mga palayaw na ito.
Mababasa rin sa Biblia na may mga katawagan o palayaw ang ilang mga karakter doon. Halimbawa, tinawag ni Jesus sina Santiago at Juan na “anak ng kulog” (Marcos 3:17). Bibihira naman sa Biblia na mismong ang tao ang nagbibigay ng sarili niyang katawagan. Gayon pa man, sinabi ni Naomi sa mga kababayan niya na tawagin siyang “Mara” na ang ibig sabihin ay “kapaitan” (Ruth 1:20). Parehas na namatay ang asawa at dalawang anak ni Naomi. Nadama niya na tila pinapait at pinalungkot ng Dios ang buhay niya (Tal. 21) dahil sa mga trahedyang iyon.
Hindi naman nanatili ang bagong pangalan na ibinigay ni Naomi sa kanyang sarili. Totoong may mga malulungkot na pangyayari sa buhay niya pero hindi pa roon nagwakas ang kuwento ng kanyang buhay. Biniyayaaan siya ng Dios ng mapagmahal na manugang na si Ruth. Muling nagkaasawa si Ruth at nagkaanak at dahil dito’y muling nagkaroon ng pamilya si Naomi.
Maaari din nating bigyan ng pangalan at katawagan ang ating mga sarili tulad ng “pagkabigo” o “hindi minahal” na bunga ng mga karanasan natin sa buhay. Pero dahil sa dakilang ginawa ng Dios sa atin, maaari nating palitan ang mga palayaw natin ng “minahal ng Dios” (Roma 9:25).